WASAKIN | Pagsira sa mga barkong nag-ii-smuggle ng bigas, isinusulong ng isang senador

Manila, Philippines – Tulad ng ginawang pagwasak sa mga smuggled luxury cars na naharang ng Bureau of Customs, dapat ring sirain ang mga barko na mahuhuling nag-ii-smuggle ng bigas. Ito ang sinabi ni Senate President Pro Tempore Senator Ralph Recto.

Ayon kay Senator Recto, ito na aniya ang pinakamataas na kaparusahan na maaring ipataw sa mga sumisira ng kabuhayan ng mga magbubukid, sa pamamagitan ng pagiimport ng mga smuggled farm products.

Kung wala aniyang lalabagin na batas, matapos wasakin ang mga barko, dapat ay palubigin na ang mga ito at gawing artificial reefs.


Paglilinaw ng senador, hindi naman niya isinusulong na basta’t makitaan lamang ng isang container na naglalaman ng kontrabando ay sisirain na agad ang buong barko, aniya, ang mga tinutukoy niyang dapat wasakin ay yung mga barko na kinontrata mismo upang magtransport ng smuggled items, kung saan alam ng may-ari at maging ng mga crew na smuggled ang laman ng mga ito.

Kung hindi naman wawasakin, makabubuting gamitin ang mga ito para sa relief operations, training ship o research ship sa Benham Rise.

Facebook Comments