WASHING OF THE FEET | Dating Maute hostage, magulang ng pinatay na OFW at iba pa, huhugasan ng paa ni Cardinal Tagle bilang bahagi ng paggunita sa Mahal na Araw

Manila, Philippines – Kasama ang mga magulang ng namatay na Pinay OFW na si Joanna Demafelis at ang nabihag na pari ng Maute Terror Group na si Fr. Chito Suganob sa huhugasan ng paa ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, bukas, Huwebes Santo.

Ang tradisyunal na ‘Washing of the Feet’ ay isang seremonya na isinasagawa taun-taon tuwing Huwebes Santo bilang pag-alala sa kababaang loob at paglilingkod ng Panginoong Hesukristo na naghugas din ng mga paa ng kanyang mga alagad.

Ito ay kanyang halimbawa ng pag-ibig at paglilingkod na nais niya ring gawin ng kanyang mga tagasunod.


Bukod dito, kasama rin sa mga huhugasan ng paa sa Cathedral-Basilica of the Immaculate Conception sa Maynila ay ang mga taong na-relocate, lumad leaders, mga miyembro ng Philippine Navy at mga banyagang sa Pilipinas nagtungo dahil sa ‘religious persecution’ at iba pa.

Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines – gusto ng Manila Cathedral na bigyang importansya ang panawagan ni Pope Francis sa mga diyosesis sa buong mundo na suportahan ang mga migrante at refugees.

Noong nakaraang taon, hinugasan ng paa ni Cardinal Tagle ay mga dating gumagamit ng iligal na droga at mga miyembro ng pulisya bilang tanda ng kapayapaan sa kasagsagan ng libu-libong pagkamatay na iniuugnay sa giyera kontra iligal na droga ng pamahalaan.

Facebook Comments