Manila, Philippines – Todo-tanggi ang isang waste management firm sa bintang na galing sa kanila ang mga nagkalat na basura sa bahagi ng pier 18 sa Manila Bay.
Ayon kay R2 Builders Consultant Jimmy Policarpio, subsidiary ng PHILECO, inanod lamang ang karamihan ng mga basura mula sa Cavite dahil sa malalakas na pag-ulan.
Una nang nagbanta ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipapasara nila ang transfer station ng Philippine Ecological Systems Corp. (PHILECO) dahil sa pagkalat sa pampang ng Manila Bay ng mga hinakot nilang basura.
Kung mangyayari ito, posibleng hindi makolekta ang mga basura mula sa Maynila, Navotas, Malabon at Obando, Bulacan.
Nakatakda namang dumalo sa technical conference sa Oktubre 3 ang PHILECO, DENR, at mga opisyal ng mga apektadong munisipalidad at siyudad para pag-usapan ang isyu.