Bagama’t wala pang naitatalang kaso ng Nipah Virus sa bansa, nagpaalala ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan sa mga residente na maging mulat at sapat ang kaalaman hinggil sa naturang sakit, kabilang ang mga sintomas at tamang paraan ng pag-iwas.
Ayon sa lokal na pamahalaan, mahalagang panatilihin ang wastong kalinisan, tiyakin ang ligtas na paghahanda ng pagkain, at agad na iulat sa mga awtoridad pangkalusugan ang anumang nararamdamang sintomas upang maprotektahan ang sarili at ang buong komunidad.
Hinimok rin ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga inilalabas na health advisory.
Samantala, pinalakas na rin ng Department of Health at Bureau of Quarantine ang health screening sa mga paliparan sa bansa, kabilang ang pagsasagawa ng thermal checks at pagsusumite ng health declarations, bilang bahagi ng patuloy na pagbabantay at paghahanda laban sa Nipah Virus.
Nilinaw ng mga awtoridad na wala pa ring kumpirmadong kaso ng sakit sa bansa sa kasalukuyan.
Patuloy namang hinihikayat ang publiko na manatiling kalmado, maging mapagmatyag, at sumunod lamang sa opisyal na impormasyon at abiso mula sa mga kinauukulang ahensya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










