WASTONG PANGANGALAGA NG LUPANG TANIMAN, INAASAHANG MAS MAGPAPATATAG SA AGRIKULTURA SA MAPANDAN

Pinagtibay ng lokal na pamahalaan ng Mapandan ang layuning mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman ng mga magsasaka sa wastong pangangalaga ng lupang taniman.

Ito ay kasunod ng isinagawang hands-on training sa Soil Sampling at paggamit ng Soil Test Kit (STK) na dinaluhan ng mahigit 35 magsasaka mula sa bayan.

Ang pagsasanay ay isinagawa ng Department of Agriculture–Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM), katuwang ang Regional Soils Laboratory I at ang Municipal Agriculture Office (MAO).

Layunin ng aktibidad na bigyang-kakayahan ang mga magsasaka na mas maunawaan ang kalagayan ng kanilang lupa, na nagsisilbing pundasyon ng mas episyente, masinop, at napapanatiling produksyon ng pananim.

Binigyang-diin sa pagsasanay ang kahalagahan ng agham at teknolohiya sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga magsasaka.

Natutunan ng mga kalahok ang tamang paraan ng soil sampling at ang wastong paggamit ng Soil Test Kit upang matukoy ang soil fertility at maitugma ang angkop na pataba sa kanilang mga sakahan.

Nagsagawa rin ng aktuwal na soil sampling ang Regional Soils Laboratory sa iba’t ibang bahagi ng Mapandan, na magsisilbing mahalagang batayan sa pagbalangkas ng mas angkop at epektibong programang pang-agrikultura para sa bayan.

Facebook Comments