Nakuhanan ng video ang pangungumpiska ng mga pulis sa placards na bitbit ng ilang nagsisimba sa Quiapo Church nitong Lunes.
Sa kuha ni Raymond John Naguit ng grupong Akbayan Youth, makikita ang dalawang tauhan ng Manila Police District (MPD) na puwersahang kinuha ang placards at iba pang materyales na nakalagay sa bag habang nagdadaos ng misa sa loob ng simbahan.
Batay sa video, mga protest materials na may kinalaman sa pagtutol ng Anti Terrorism Act ang kinumpiska ng mga awtoridad.
Ang sasahol! Sa gitna ng banal na misa eto ang mga uniformed personnel kinukuha ang gamit ng isang kasamahan namin! Bastusan na to! pic.twitter.com/CnTYFLYGxY
— RJ Naguit 🌹 (@raymondnaguit) July 27, 2020
Nang malaman ni Senator Risa Hontiveros ang pangyayari ay agad siyang nakipag-ugnayan kay MPD Chief Brigadier General Rolando Miranda.
Nangako ang hepe na paiimbestigahan niya ang naging aksyon ng mga kabarro.
Hati naman ang reaksyon ng maraming netizen kaugnay ng nag-viral na insidente. Pagtataka ng iba, bakit daw kailangan magdala ng placards sa loob ng simbang kung nais mo lamang dunalo ng misa.
Para naman sa ilang netizen, hindi raw dapat ito ginawa ng kinauukulan sa kasagsagan ng misa na posibleng epekto raw ng isinabatas na Anti-Terror Act.