Pasay City – Pinaghahanap na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang driver ng isang taxi na inireklamo ng sexual harassment ng kaniyang naging pasahero sa Pasay City.
Ayon sa biktimang si Elsa Planas, kaskasero ang driver ng taxi na may plakang UYD 595 at panay pa ang pambabastos at pagsasalita ng malaswa sa kaniya.
Bigla rin aniya siyang nahilo nang maglagay ng tila alcohol ang driver sa kamay nito.
Nagpumilit naman bumaba ng taxi si Planas sa may bandang EDSA-Makati.
Nang dumulog sa LTFRB, nadiskubreng kolorum ang taxi dahil expired na ang prangkisa nito.
Dahil dito, inilagay na sa watch list ng traffic enforcers ang mga plaka ng mga taxi unit ng operator para mahuli ang mga ito.
Payo naman sa mga madalas sumasakay ng taxi, agad kuhanin ang mga detalye gaya ng body number, plate number, at pangalan ng taxi driver.
Lagi rin itawag o i-text sa pamilya o mga kaibigan ang impormasyong ito at pati na ang lugar na kinaroroonan.