Dadagdagan na ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig sa NCR at karatig lalawigan.
Ito ay kasunod ng patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa mga dam sa Luzon partikular na ang Angat dam sa Bulacan at maging ng La Mesa dam sa Quezon City.
Sa kalalabas lamang na report ng NWRB, gagawing 40-cms o cubic meters per seconds ang water allocation for household sa Mega Manila na sinusuplayan ng dalawang water concessionaire.
Noong Agosto 16 pa inilabas ang abiso para sa Maynilad at Manila Water matapos ang isinagawang pagpupulong ng technical working group na binuo ng NWRB para dito.
Paglilinaw ng NWRB, sa darating na Setyembre pa ipapatupad ang 40-cms.
Kung maaalala, summer season nang ibaba sa 36 cms ang alokasyon dahilan para magpatupad ng rotational supply ng tubig.
Ayon sa NWRB, hindi pa tuluyang maibabalik sa 48 cms normal water allocation dahil hindi pa tuluyang nakakarekober ang water supply ng mga dam sa bansa.