Mariing kinondena ni House Committee on National Defense and Security at Iloilo 5th District Representative Raul “Boboy” Tupas ang pag-atake ng Chinese Coast Guard o CCG gamit ang water cannon sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na naglalayag at nagpapatrolya sa West Philippine Sea.
Binigyang diin ni Tupas na ang mga aksyon ng CCG ay hindi kailangan, hindi nararapat at lalo lang magpapalala sa tensyon sa WPS.
Giit ni Tupas, kailangang sundin ang itinatakda ng international laws hinggil dito partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 Arbitral Award.
Ayon kay Tupas, dapat ding pairalin ang pagrespeto sa soberenya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ), at territorial waters.
Para kay Tupas, hindi lang ang mga bansa sa Southeast Asia ang dapat tumugon sa sitwasyon sa West Philippine Sea dahil anumang hadlang sa malayang paglalayag ay tiyak makakaapekto sa pandaigdigang ekonomiya.