
Pinaalerto na ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang mga residenteng nakatira sa paligid ng Laguna Lake maging ang ilang stakeholders.
Ito’y dahil sa walang tigil na pag-ulan na nararanasan sa bansa dulot naman ng habagat.
Ayon sa LLDA, maiging sumunod sa abiso ng lokal na pamahalaan at tumutok sa advisory na ilalabas ng Disaster Risk and Management Office lalo na ‘yung mga nakatira sa mababang lugar na posibleng maapektuhan kapag tumaas pa ang tubig sa lawa.
Sa monitoring kasi ng LLDA noong makalawa ay umabot sa 11.6 meters ang average water level ng Laguna Lake mas mababa sa critical high level na 12.5 meters.
Bagama’t nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Crising ay patuloy pa rin ang pag-ulan ayon naman sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Patuloy namang nakabantay ang LLDA sa sitwasyon ng lawa at tiniyak na agad magbibigay ng karagdagang impormasyon sa naturang sitwasyon.









