Cauayan City, Isabela- Pinasinayaan na ang bagong gusali ng Diffun Police Station at Lingkod Bayanihan Water Refilling Station nito sa probinsya ng Quirino.
Pinangunahan mismo ni Police Brigadier General Crizaldo Nieves, Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 2 ang ribbon cutting at unveiling sa Quirino PPO Lingkod Bayanihan Water Refiling Station at sinundan ng pagbabasbas ni Rev. Fr. June Sapon, Parish Priest ng Our Lady of the Lourdes Shrine sa Aglipay, Quirino.
Ang nasabing proyekto ay pinondohan ng PRO2, PNPA Tapagbuklod Class of 1989 at mga stakeholders ng nasabing probinsya.
Sinaksihan din ng ilang matataas na opisyal ng PRO2, mga lokal officials at ilang mga indibidwal ang pagpapasinaya.
Maging ang bagong tayong himpilan ng Diffun Police Station ay pinabasbasan rin ni RD Nieves na kung saan tinatayang aabot sa P9.5 milyon ang ginugol na pondo para rito sa tulong ng PNP-DPWH Convergence Program T.I.K.A.S. (Tatag Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad).
Samantala, nagtungo rin ang grupo ni RD Nieves at Vice Governor Julius Ceasar Vaquilar sa Barangay Eden, Cabbaroguis, Quirino upang personal na ipasakamay sa isang pamilya ang bagong gawang bahay sa ilalim ng Project of “SOUL” o Shelter of Unity and Love “Lingkod Bayanihan-Libreng Pabahay” ng Quirino 1st PMFC.