Iginiit ni Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd district Representative Joey Salceda ang kahalagahan na maisakaturapan agad ang mga water sanitation projects ng gobyerno.
Sa harap ito ng tumataas na kaso ng cholera sa ilang rehiyon sa bansa dulot ng mga pagbaha kabilang ang Eastern at Western Visayas, Davao Region, CARAGA at Central Luzon.
Aminado si Salceda na global ang nangyayaring pagtaas ng kaso ng cholera dahil sa baha dulot ng climate change pero maiiwasan ito sa pamamagitan ng pondo para sa malinis na tubig.
₱5.28 billion ang 2023 budget na nakalaan sa water system sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at determinado si Salceda na ito ay madagdagan.
Tiniyak ni Salceda ang kahandaan na ipaglaban na maibuhos sa water system ng mga evacuation at relocation center ang malaking bahagi ng ₱31 billion na National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) na nakapaloob sa 2023 budget.
Tinitingnan din ni Salceda na mapagkunan ng pondo para sa malinis na tubig ang 20% na nakalaan sa sustainable development goals mula sa mga buwis na ipinapataw sa POGO, alcohol at vape.