Ipinag-utos ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang suspensyon ng ikinakasa nilang water search and rescue (WASAR) training.
Ito’y matapos masawi ang isa nilang Coast Guard personnel sa PCG District Palawan habang nasa training.
Ayon kay Admiral Gavan, nire-review na ng kanilang tanggapan ang safety procedures ng Coast Guard Special Operations Force at ng ibang unit matapos ang insidente.
Sa pahayag ng PCG, ang 27-anyos na PCG District Palawan personnel na may ranggong “Apprentice Seaman” ay nalunod habang nasa gitna ng 100-meter na paglangoy na bahagi ng training.
Agad na tumugon ang ilang mga training staff saka nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) kung saan naisugod sa ospital ang nasabing personnel pero namatay rin habang ginagamot.
Iginiit ni Admiral Gavan na ang naturang pagsasanay ay kinakailangan talaga bilang mga bantay-dagat kung saan isa rin itong paraan para makatugon sila sa mga nangangailangan sa karagatan.
Umaasa rin ang opsiyal na hindi na sana maulit pa ang nangyari habang nagpa-abot sila ng pakikiramay sa pamilya ng nasawi nilang personnel.