Kinalampag ng Makabayan sa Kamara ang pagbabalik sa full public control ng serbisyo ng tubig sa buong bansa.
Giit ng Makabayan, ang patuloy na krisis sa suplay sa tubig at ang mataas na singil ay patunay na hindi nakakatulong sa publiko ang pagsapribado sa mga water utilities.
Sa halip na bumaba ang singil sa tubig ay pinagkakitaan ng mga water concessionaires ang publiko.
Sa loob ng dalawang dekada na nasa kontrol ng mga water concessionaires ang serbisyo ng tubig, umabot sa 596% ang dagdag singil sa Maynilad habang 970% naman sa Manila Water.
Umapela ang Makabayan na napapanahon na kunin ng gobyerno ang kontrol sa water services at hindi solusyon na ibigay ang pamamahala dito sa isa pang pribadong kumpanya na hindi rin naman epektibo ang serbisyo at mataas din ang ipinapataw na singil sa tubig.