Kahit malaki ang problema sa supply ng tubig, tuloy pa rin ang Wattah Wattah o Basaan Festival sa San Juan ngayong araw alinsunod sa nakagawiang tradisyon.
Ito ay kaugnay sa paggunita ng kapistahan ni Saint John the Baptist tuwing Hunyo 24 taon taon.
Gayunman, ipinag-utos na rin ng city government na limitahan ang paggamit ng tubig.
Binawasan ang paggamit sa mga fire trucks na makibahagi sa Basaan festival.
Kung dati rati ay 50 fire trucks ngayon ay nilimitahan na lamang sa 16 na units.
Mula kaninang alas 12:01 ipinatupad na rin ang liquor ban na tatagal hanggang alas 3 ng hapon.
Ang traditional “basaan” ay isinasagawa sa Pinaglabanan Shrine.
Gayunman pinayuhan ng city government ang publiko na may city ordinance na sinusunod sa lungsod.
Ipinagbabawal ang paggamit ng maduming tubig sa pagbabasa ng tao; yelo o tubig na nakalagay sa plastic bag o “water bomb” bottled water o tubig na nakalagay sa anumang material na bagay na nakakasakit na sa tao.
Lalo na ang pagbabanta at pananakit sa tao, pagpasok sa mga Public Utility Vehicles (PUVs) at basain ang mga pasahero o hindi kaya ay sapilitang buksan ang mga pribadong sasakyan.
Lahat ng lalabag dito ay papatawan ng multa at community service.