Nagbabala ang National Water Resources Board (NWRB) sa posibleng water supply shortage sa Metro Manila at kalapit na mga probinsya hanggang 2022.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr., na hamon ang pagkakaroon ng stable na suplay ng tubig dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng populasyon.
Bukod dito, tumaas din ang demand sa tubig sa gitna ng COVID-19 pandemic kung saan karamihan ng mga tao ay nasa bahay lang.
Aniya, kung hindi makaka-recover ang Angat Dam, ay hindi malayong makaranas muli ng water shortage ang mga taga-Metro Manila, Bulacan, Rizal at Cavite.
“Sa patuloy na paglago po ng populasyon at development, kaakibat nito ay pagtaas ng demand ng suplay ng tubig at kung patuloy po ‘yan ay hindi po malayo na by 2022 ay maulit po ‘yong mga kakulangan sa tubig kung hindi makakarekober ng sapat ‘yong Angat Dam,” ani David.
Samantala, ayon kay David, nagde-develop na rin ang pamahalaan ng mga karagdagang suplay ng tubig para hindi na lang sa Angat aasa ang mga consumer.
Matatandaang nagbawas ang NWRB ng alokasyon ng tubig sa Metro Manila gayundin sa irigasyon ngayong Oktubre dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.