Iginiit ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte ang pagbuo ng Water Trust Fund o WTF na ilalagak sa Bureau of the Treasury.
Ang mungkahi ni Duterte ay nakapaloob sa inihain nila ni Benguet Rep. Eric Yap na House Bill 3727 o panukalang paglikha ng Department of Water Resources o DWR na layuning matugunan ang nakaambang krisis sa tubig sa bansa.
Base sa panukala nina Duterte at Yap, ang WTF ay maaaring magmula sa mga kita sa water management, raw water pricing, permit fees, registration fees, supervision and regulation enforcement fees, filing fees, testing fees at iba pang serbisyo na may kinalaman sa paggamit ng water resources.
Ang nabanggit na pondo ay ekslusibong ilalaan sa DWR para gamitin sa water development, water sanitation, waste water treatment and management at sa iba pang water sustainability projects.
Itinatakda rin ng panukala na ang hindi hihigit sa 10% ng kabuuang kita mula sa raw water extraction ay ilalaan sa mga lokal na pamahalaan, o indigenous people community na sumasakop sa lupain na siyang pinagkunan ng raw water.