Kasabay ng paglaganap ng coronavirus pandemic ang pagkalat din ng popular at gamit na gamit na app ngayon na TikTok.
Sa kabila ng kasalukuyang krisis dulot ng COVID-19, hindi maikakailang nagiging kabawasan ng stress sa ibang tao ang paggamit ng sumisikat na app.
At isa ang aktres na si Dimples Romana sa nagpapasalamat sa paglabas ng TikTok sa ganitong panahong humaharap ang mga tao sa mahirap na sitwasyon.
Ngunit sa kabila nito, marami rin ang nakikita ang TikTok na nakakainis at hindi magandang pinagtutuunan ng pansin dahil sa mga sunod-sunod na posts online.
Bilang depensa ay ibinahagi ni Dimples ang kanyang saloobin noong Abril 16 sa isang online fundraiser na #KwentuhanLang na may layong tumulong sa mga manggagawang lubhang naapektuhan ng lockdown.
Ikinuwento ng aktres ang isang aspeto kung bakit marami ang nahuhumaling sa paggamit ng naturang app sa panahong nasa bawat bahay lang ang mga tao at hindi maaaring lumabas.
“Ang gandang isipin na nakakapag-express tayo ng mga sarili natin that freely. It’s very strange now, the times. Kumbaga, na sa bahay ka. If you’re a creator by heart and you’re an artist by heart, naghahanap lagi iyon ng lalabasan na medium,” aniya.
Nagpasalamat din siya na mayroong ganitong app kung saan maibabahagi ng bawat tao ang kanilang saloobin at nararamdaman.
Dagdag niya, malaki ang maitutulong ng TikTok sa mental health ng tao sa kasalukuyang sitwasyon.
“Especially now, we have to take care of our mental health also, hindi lang ‘yung katawan natin. Dapat pati ‘yung pag-iisip mo inaalagaan mo,” saad niya.
“We all cope differently,” giit pa ng aktres.
Suportado niya raw ang paggamit ng TikTok lalo pa’t ito marahil ang isa sa nagpapasaya sa mga kababayan ngayon.
Samantala, pinayuhan naman ng aktres ang publiko na nakararanas ng anxiety at hirap sa pagtulog, kung ito raw ang makakatulong para maiwasan ang pagkakasakit ay buo raw ang kanyang suporta sa paggamit nito.