Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pa tayong nararanasang COVID-19 surge sa kabila ng tumataas na bilang ng kaso nito sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, posibleng pumalo sa 800 hanggang 1,200 ang arawang kaso ng COVID-19 sa bansa pagsapit ng katapusan ng Hulyo kung mananatiling mababa ang booster coverage natin at kung magluluwag ang publiko sa pagsunod sa minimum public health protocols gaya ng pagsusuot ng facemask.
Pero kahit pa maabot ang naturang projection ay mananatiling low risk ang bansa sa COVID-19.
Posible namang magkaroon ng “weak surge” o “minor surge” pero mananatiling manageable ang COVID-19 situation sa Pilipinas ayon sa kalihim.
“Sana hindi magpakampante ang mga tao, hindi waldasin yung ating napagtagumpayan at sumunod. Dalawa lang solusyon d’yan e, bakuna at mask,” saad ni Duque.
Nanindigan naman si Duque na kailangang sumunod ng Cebu sa polisiya ng national government hinggil sa pagsusuot ng face mask.
“Syempre nakalinya tayo sa direktiba ni Pangulong Duterte na ang mask mandate niya hanggang June 30. Habang presidente siya yun ang national policy.”