Weather bulletin ng PAGASA, hiniling ng Senado na simplehan at isalin sa iba’t ibang diyalekto

Hiniling ni Senator Francis Tolentino sa PAGASA na simplehan ang mga salitang ginagamit sa weather bulletins lalo na tuwing may paparating na malakas na bagyo.

Sa deliberasyon ng budget ng DOST para sa 2025, pinuna ni Tolentino na hindi nauunawaan ng mga ordinaryong tao ang mga salitang gamit sa pagtaya ng panahon tulad ng intertropical convergence zone, yellow, orange at red rainfall warning, at iba pa.

Apela ng mambabatas na maglabas ang PAGASA ng weather bulletins na madaling maiintindihan ng mga tao upang makatulong ito na makapaghanda at makalikas agad ang mga tao at maiwasan ang pagkawala ng buhay.


Aniya, kasama siya sa naglibing sa anim hanggang walong bata na nasawi sa landslide sa Talisay, Batangas nang humagupit ang Bagyong Kristine.

Iminungkahi rin ni Tolentino na isalin sa iba’t ibang diyalekto ang weather bulletin ng PAGASA upang maunawaan ng mga kababayang naninirahan sa mga lalawigan.

Sinang-ayunan naman ito ni Senator Migz Zubiri na siyang dumipensa sa budget ng DOST at aniya’y ikukunsidera ng PAGASA ang pag-simplify sa methodology ng weather bulletins at inaayos na rin ang dissemination ng impormasyon sa mga LGU, sa tulong na rin ng DILG.

Facebook Comments