Napanatili ng bagyong Inday ang lakas nito kahit na nasa labas na ng Philippien Area of Respinsibility (PAR).
Huling namataan ang bagyo sa layong 905 kilometro hilagang-silangan ng Basco, Batanes kung saan taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 90 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 115 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo sa hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras papalayo na ng PAR.
Patuloy na hahatakin ng bagyo ang hanging habagat na magdadala ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-uulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), Bataan at Zambales.
Mahihina hanggang sa paminsan-minsang malakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Dahil dito, nagdeklara na ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas ang lokal na pamahalaan ng Quezon City at probinsiya ng Bataan ngayong Sabado (July 21) bunsod pa rin ng pag-uulan na dala ng habagat na hinahatak ng bagyong Inday.
Samantala, bagaman papalabas na ng bansa ang bagyong Inday, isang Low Pressure Area (LPA) ang binabantayan sa labas ng PAR na huling namataan sa layong 270 kilometro kanluran ng Sinait, Ilocos Norte at inaasahang papasok ng bansa ngayong araw.