Napanatili ng bagyong Rosita ang lakas nito habang papalapit sa kalupaan ng bansa.
Kaninang alas 3:00 ng hapon, huling namataan ang bagyo sa layong 1, 214 kilometers silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 200 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 245 kph.
Tinutumbok pa rin ng bagyo ang Cagayan-Isabela area at kung hindi magbabago ang kilos, posibleng mag-landfall ito sa bansa sa Martes.
Pero ayon sa PAGASA, sa ngayon ay wala pa itong direktang epekto sa bansa.
Hanging amihan pa rin ang nakakaapekto sa Luzon na siyang nagdadala ng maulap na kalangitan at mga pag-ambon partikular sa Cordillera Region at Cagayan Valley.
Habang sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa, maganda pa rin ang panahon maliban sa mga isolated rainshower sa hapon o gabi.
Samantala sa Lunes, October 29 – suspendido na ang pasok sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa lalawigan ng Cagayan.
Ito ay bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Rosita.