Manila, Philippines – Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Urduja.
Alas-diyes kaninang umaga nang huling mamataan ang bagyo sa layong 439 kilometers kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.
Bagama’t nakalabas na ng PAR, makararanas pa rin ng pag-ulan ang Palawan.
Mahinang pag-ulan din ang iiral sa Cagayan, Isabela at Aurora bunsod ng tail end ng cold front habang hanging amihan ang nakaaapekto sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Dahil dito, kanselado pa rin ngayong araw ang ilang domestic flights ng Cebgo kabilang ang biyaheng Manila-Naga-Manila.
Samantala, patuloy ring binabantayan ng PAGASA ang isang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng PAR.
Huli itong namataan sa layong 1,300 kilometers silangan ng Mindanao na inaasahang papasok sa PAR bukas.