Iniulat ng Department of Information and Communication Technology (DICT) na puntirya ngayon ng mga hacker ang website ng mga pulitiko at kandidato sa darating na eleksyon.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DICT Sec. Ivan John Uy na dahil malapit na ang eleksyon ay nagpapakalat ng mga pekeng impormasyon ang mga hacker laban sa mga kandidato.
Kaya naman hindi aniya sila tumitigil sa pagtugon sa ganitong mga sitwasyon sa pamamagitan ng pagpaaabot sa publiko at mga sektor kung papano nila dapat pinalalakas ang kanilang cyber security system.
Samantala, pinabulaanan naman ng DICT na may nakuhang mga bagong data ang mga hacker na nagtangkang pasukin ang system ng Office of the President at mga ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Uy, ang mga datos na ito ay na-hack noong 2018 hanggang 2022 na ni-repost lamang at pinalalabas ngayon ng mga hacker na mga bago.