Website ng Senado, tinangka ring i-hack

Kinumpirma ng Senado na nagkaroon ng maraming pagtatangka na i-hack ang website ng Mataas na Kapulungan nitong weekend.

Ayon kay Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr., nito lamang Linggo ay nagkaroon ng spike o maraming beses na tinangkang i-hack ang Senate website.

Nang malaman nila ang hacking incident sa website ng Kamara ay agad nilang inalerto ang kanilang IT team at patuloy na nagbantay sa aktibidad na ginagawa ng hackers.


Aniya pa, mayroon namang perimeter at application firewall ang website ng Senado pero hindi sila nagpakakampante at naglagay pa rin ng adjustments dito ang kanilang technical team.

Matatandaan na nito lamang Linggo ay na-hack ang website ng House of Representatives kung saan nilagyan nila ng troll picture ang website at nakalagay pa roon ang salitang “Happy April Fullz Kahit October Palang! Hacked by 3Musketeerz”.

Nauna na ring na-hack ang system ng PhilHealth, Philippine Statistics Authority at Department of Science and Technology.

Facebook Comments