Weekly COVID-19 test sa mga health workers, iminungkahi sa Kamara

Inirekomenda ni Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo sa Department of Health (DOH) na obligahin ang lahat ng ospital at iba pang healthcare facilities na isailalim ang kanilang frontline workers sa lingguhang COVID-19 test.

Ito ay para maagang ma-detect ang virus lalo at palaging lantad ang mga doktor at nurses sa ospital sa pagkakasakit.

Sinabi ni Castelo na mabilis na ma-a-isolate at mapipigil ang pagkahawa sa iba kung maaga pa lamang ay malalaman na positibo sa impeksyon ang isang healthcare worker.


Ginawa nito ang apela dahil na rin sa reklamo ng ilang frontline personnel sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City na tatlong linggo na umano ang nakaraan mula nang huli silang masuri sa COVID-19.

Naniniwala ang Kongresista na mas mainam nang mamuhunan sa regular screening na hindi hamak na mas mura kumpara sa mataas na halaga ng gamutan sa COVID-19 na ginagastusan ng PhilHealth.

Facebook Comments