Manila, Philippines – Ikinatuwa ng Palasyo ng Malacañang ang pagkakasama ng Pilipinas sa listahan ng World Economic Forum na most gender equal countries sa buong mundo.
Batay sa Global Gender Gap, nasa ika-8 ang Pilipinas sa most gender equal country pero nangunguna naman sa area ng educational attainment habang ika 13 sa political empowerment at rank 14th naman sa economic participation and opportunity.
Napunta naman sa Iceland ang titulong most gender equal country ngayong 2018 at sinundan ito ng Norway, Sweden, Finland at Nicaragua.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, masaya ang Malacañang at kinikilala sa international community ang mga ginagawang hakbang ng Pamahalaan para isulong ang pagkakapantay-pantay at pagtutulungan ng mga babae at ng mga lalaki.
Isa aniya itong patunay na binibigyan ng Administrasyon sa Pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte ng kahalagahan ang mga kababaihan at pagkilala sa kanilang mga ambag sa lipunan.
Binigyang diin din ni Panelo na naniniwala si Pangulong Duterte sa kakayahan ng mga babae at poprotektahan ng Pangulo ang kanilang karapatan, at Dignidad.