Tiniyak ng Kamara ang pagsusulong sa kapakanan ng mga sundalo at ‘men in uniform’ sa bansa.
Ito ay kasunod na rin ng C-130 military plane crash sa Patikul, Sulu na ikinasawi na ng nasa 52 sundalo, crew at sibilyan.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, hinihintay lamang nila ang full report mula kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na nag-utos ng imbestigasyon sa nangyaring trahedya.
Sakali naman aniyang matanggap ang report ng Mababang Kapulungan, siniguro naman ni Romualdez na gagawin ng Kamara ang lahat para protektahan ang kaligtasan at kapakanan ng mga sundalo at unipormadong tauhan.
Samantala, tinukoy naman ni Deputy Speaker at Antique Rep. Loren Legarda na bilang mga opisyal ng gobyerno ay may responsibilidad sila na tiyakin ang kalagayan ng mga naiwang pamilya gayundin ang mga survivor na nagpapagaling sa ospital salig na rin sa RA 6963.
Sa ilalim ng batas ay bibigyan ng special financial assistance ang pamilya ng mga nasawi at mga sugatan sa susunod na anim na buwan.
Prayoridad naman sa employment sa gobyerno o sa anumang tanggapan ang surviving spouse o employable na anak, at entitled din sa scholarship hanggang kolehiyo sa nonexclusive institution ang mga naiwang anak ng mga nasawi o incapacitated military personnel.
Bukod sa mga pamilya ng mga sundalo ay pinabibigyan din ng tulong ang mga pamilya ng mga sibilyang nadamay at biktima rin ng C-130 plane crash.