Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na tanggap na sa provisional witness protection program (WPP) ng Department of Justice (DoJ) ang dalawang whistleblowers sa ghost dialysis patient scam ng WellMed Dialysis Center.
Ayon kay Guevarra, siyamnapung araw na sakop ng WPP sina dating Wellmed assistant branch manager Edwin Roberto at Philhealth officer Leizel Aileen de Leon.
Ito ay habang hinihintay aniya ang preliminary investigation sa pitong iba pang tauhan ng WellMed.
Sina Roberto at De Leon ay sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamong estafa through falsification of official documents dahil sa sinasabing pekeng dialysis claims sa Philhealth.
Kasama rin sa kinasuhan si Dr. Brian Sy, isa sa may ari ng WellMed.
Una na ring hiniling ng dalawang whistleblowers na alisin na sila sa Quezon City Jail ngayong natanggap na sila sa Witness Protection Program ng DOJ.