Wesley Guo, gusto nang sumuko; Alice Guo, inaasahang darating na mamayang gabi

Nagpahayag na ng kahandaang sumuko sa mga awtoridad ang kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na si Wesley Guo na isinasangkot din sa iligal na operasyon ng mga POGO.

Matatandaang kasama si Wesley Guo sa inisyuhan ng arrest order ng Senado matapos maipa-contempt dahil sa hindi pagdalo sa imbestigasyon kahit makailang beses nang naimbitahan.

Kasama ni Wesley sina Alice Guo, Shiela Guo at Cassandra Li Ong na tumakas sa Pilipinas at ngayon ay huling napabalitang nasa Hong Kong.


Ayon kay Atty. Stephen David, legal counsel nina Alice at Shiela, nakausap niya kahapon si Wesley at nagsabi sa kanya ng kagustuhang sumuko sa mga local authorities ng bansa.

Magkagayunman, hindi alam ni David kung saan eksakto naroroon si Wesley dahil hindi naman aniya ito nagsasabi kung nasaan siya.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na siya sa mga awtoridad para sa inaasahang pagsuko ni Wesley pero hindi muna idinetalye ng abogado ang prosesong ito.

Samantala, sa mensahe naman na ipinadala ni Senator Raffy Tulfo, inaasahang darating mamayang alas-6:18 ng gabi si Alice Guo o Guo Hua Ping sakay ng chartered flight RP-C6188 kung saan kasama niya sa flight sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Marbil.

Facebook Comments