Panawagan ngayon ni Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana sa publiko na huwag i-sensationalize sa social media o iba pang paraan, ang pagkakapatay kahapon ng mga pulis sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Ayon sa Heneral, hindi ninanais ng militar na mag-escalate ang “hostility” sa pagitan ng mga pulis at sundalo dahil sa insidente.
Ang layunin lamang aniya ng militar ay malaman ang buong katotohanan sa likod ng insidente at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mga kabaro.
Giit ni Sobejana, hindi pa nabubuo ang motibo sa likod ng pamamaril, at humingi na sila ng tulong sa NBI para magsagawa ng isang impartial investigation.
Kaugnay nito, nagdemand na rin si Philippine Army Commanding General Lt. General Gilbert Gapay nang full blown investigation sa insidente.
Sa report ng militar, ang dalawang opisyal at dalawa pang sundalo na namatay ay mga miyembro ng 9th Intelligence and Security Unit (ISU) ng Philippine Army.
Sila ay napatay ng mga pulis sa harap ng Jolo Central Fire Station sa Barangay Walled City, Jolo, Sulu kahapon, Hunyo 29, 2020.