Paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa nakatakdang pakikipagpulong nito kay Chinese President Xi Jinping.
Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary for Asian and Pacific Affairs Nathaniel Imperial na malinaw naman ang gusto ng pangulo na maging mapayapa at stable ang sitwasyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Imperial, tatalakayin ni Pangulong Marcos ang buong bilateral relations ng Pilipinas sa China mapa-positibo man o sensitibong aspekto kabilang ang mga aktibidad ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
Hindi naman aniya limitado lang sa maritime issue ang relasyon ng dalawang bansa sa kabila na alam ng punong ehekutibo ang kahalagahan ng isyung ito sa interes ng bansa at sa mga Pilipino.
Kasabay nito ay ipagpapatuloy rin ni Pangulong Marcos ang pakikipag-usap kay Xi kaugnay ng oil at gas cooperation.