Manila, Philippines – Binuweltahan ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon ang kritiko ng Administrasyon hinggil sa mga banat ng mga ito patungkol sa West Philippine Sea.
Sa ginanap na forum sa Kapihan sa Manila Bay sinabi ni Esperon na hindi di bibitawan ng Administrasyong Duterte ang pangunahing baraha nito sa West Philippine Sea na ruling ng Permanent Court of Arbitration.
Paliwanag ni Esperon na inuuna lang muna ng pamahalaan ang peace, stability at cordial relation sa mga kaibigang bansa gaya ng China at Asean Countries.
Pero binigyang diin ng kalihim na itutulak ng pamahalaan nasabing ruling sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte at hinding-hindi nila ito aabandunahin.
Katunayan aniya ay tuwing Martes ay nagpupulong ang Task Force on West Phillipine Sea para pag-usapan ang mga nararapat na aksyon sa naturang isyu.
Giit ni Esperon na ginagawa nila ang mga suhestyon ng mga kritko na diplomatic protest sadyang hindi lang ito naipapahayag sa publiko dahil sa mga sensitibong usapin.
Dagdag pa ng kalihim bagama’t huling opsyon ng bansa ang giyera hindi dapat mabahala ang publiko dahil prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng taumbayan.