WEST PHILIPPINE SEA | PNP, hinamon na hulihin ang mga tambay na "Chinese" sa WPS

Manila, Philippines – Hinamon ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Philippine National Police na paghuhulihin ang mga tambay sa West Philippine Sea.

Ang reaksyon ng militanteng mambabatas ay kasunod na rin ng utos ni Pangulong Duterte na hulihin at arestuhin ang mga tambay sa lansangan.

Giit ni Zarate, sa halip na mga tambay sa kalye ang targetin ng PNP mas makakatulong para sa bansa kung ang mga tambay sa West Philippine Sea ang palalayasin.


Sinabi nito na ang mga Chinese fisherman at coast guard ang dapat na puntiryahin ng gobyerno at ng mga otoridad dahil ito ang mga ‘’tambay’’ na perwisyo sa bansa lalo na sa mga maliliit na mangingisda.

Aniya, ang mga ito rin ang nakikinabang sa likas na yaman ng ating teritoryo gayong hindi naman sila taga dito at hindi nila pag-aari ang West Philippine Sea.

Dapat na aniyang paghuhulihin at igiit ng pamahalaan ang soberenya ng bansa upang matigil na ang mga panghaharass at pambubully ng China.

Facebook Comments