Manila, Philippines – Hinamon ni Magdalo Party list Rep. Gary Alejano si Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na magtungo sa Sandy Cay at silipin ang pagpapatrolya sa West Philippine Sea.
Ito ang naging tugon ng kongresista matapos na sabihin ni Cayetano na hindi isinusuko ng Pilipinas ang Sandy Cay sa China.
Pero muling iginiit ni Alejano na positibong kontrolado ng China ang Sandy Cay simula pa noong nakaraang taon.
Aniya, may mga barko ng China na permanenteng naka-station malapit sa Sandy Cay kaya hindi magawa ng Pilipinas na kontrolin ang teritoryo at apektado ang mga mangingisda.
Hamon ni Alejano, sabay nilang puntahan ni Cayetano ang Sandy Cay para personal na makita ang sitwasyon kasama ang media bilang witness.
Kung hindi sila ma-harass o palayasin ng Chinese Coast Guard ay saka pa lamang maniniwala ang mambabatas na kontrolado pa ng pamahalaan ang Sandy Cay.