48 mga Abu Sayyaf Group ang na-neutralize ng militar sa Western Mindanao simula noong buwan ng Enero taong kasalukuyan at hanggang kahapon.
Ayon kay Western Mindanao Command Spokesperson Major Andrew Linao, sa bilang na 48, dalawa ay nasawi sa operasyon, 40 ay sumuko at anim ay naaresto.
Huli aniyang na-neutralize ay si Basilan Based ASG Top Leader Radzmil Jannatul sa naganap na 15-minutong sagupaan sa Sitio Center, Barangay Baiwas, Sumisip noong March 25.
Habang sumuko naman sa militar si Abdullah Indanan, alyas Guro, ASG sub-leader, at kaniyang sampung followers sa tropa ng militar sa Barangay Serongon, Hadji Mohammad Ajul noong March 29.
Isinuko rin ng mga Abu Sayyaf na ito ang kanilang mga armas.
Tiniyak naman ng Western Mindanao Command na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa grupong Abu Sayyaf.
Ang Abu Sayyaf Group ay binuo ng nasawing si Abdurajak Janjalani noon April 4, 1992.
Kinuha ang pangalan ng grupo sa Afghan hero na si Abu Abdurasul Sayyaf na namatay sa gyera sa Afghanistan.