Patung-patong na reklamo ang isasampa PNP Regional Office 6 laban kina Iloilo First District Cong. Richard Garin at Guimbal Iloilo Mayor Oscar Garin dahil sa pananakit sa isang pulis.
Ayon kay Western Visayas Regional Director, Chief Supt. John Bulalacao – kabilang sa kanilang isasampa laban sa mag-amang Garin ay physical injuries, alarm and scandal, direct assault against an agent of person in authority at grave coercion.
Sa ulat ng Guimbal Municipal Police Station, alas 3:20 Miyerkules ng madaling araw nang tawagin ng mag-amang Garin si PO3 Federico Macaya sa Guimbal Public Plaza Rizal Street.
Paglapit ng biktima, dinisarmahan siya ng mga ito, pinosasan at magkatuwang na sinaktan.
Sabi pa ni Bulalacao, nagpaputok rin ng baril si Cong. Garin habang nakatutok naman ang baril ni Mayor Garin kay Macaya.
Sabi ni Bulalacao, ikinainis ng mag-amang Garin ang hindi pagsampa ni Macaya ng kasong physical injuries sa isa sa dalawang nag-away sa Guimbal Food Court noong December 22.
Una nang sinibak ni Bulalacao si Police Senior Inspector Antonio Monreal, hepe ng Guimbal Municipal Police Station dahil sa nangyari.
Habang binawi na rin niya ang police escort ni Cong. Garin at hihilingin rin niyang alisan ng karapatan si Mayor Garin na makapagmando sa mga pulis sa kanyang nasasakupan.