WFH arrangement, malaking tulong sa mga empleyado mula sa epekto ng pagtaas ng langis

Kumpyansa ang ilang kongresista ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na malaking tulong para sa mga manggagawa at empleyado ang work-from-home (WFH) at hybrid work arrangement.

Inihain sa Kamara ang resolusyon na nagtutulak sa WFH at hybrid setting upang maprotektahan ang mga empleyado mula sa mga negatibong epekto ng pandemya at ang nagpapatuloy na gyera sa Ukraine.

Itinutulak ng mga kongresista ang resolusyon sa harap na rin ng kautusan na pabalikin na sa mga opisina ang mga nagtatrabaho sa Business Process Outsourcing (BPO) industry na siya namang iniaapela ng mga kumpanya at workers.


Hinihikayat sa resolusyon ang pamahalaan na isulong ang work-from-home at hybrid work set up bilang bahagi ng new normal.

Tinukoy rito na ang pagtaas ng presyo ng langis at pagkain ay kumakain ng malaki sa income o kitang naiuuwi ng mga Pilipino.

Iginiit sa Kamara na ang mataas na presyo ng fuel ay mabigat na pasanin at pahirap para sa mga manggagawa at empleyadong pumapasok na sa opisina.

Kaya naman, isinusulong na remedyo para makaluwag ang mga manggagawa ay itong WFH arrangement na napatunayang epektibo rin sa operasyon ng ilang mga sektor.

Facebook Comments