WFH set-up sa industriya ng IT-BPM, pinalawig pa

Probisyunal na pinalawig ni Finance Secretary and Fiscal Incentives Review Board o FIRB Chairman Benjamin Diokno ang isang memorandum hinggil sa kasalukuyang Work-from-Home (WFH) arrangement para sa Information Technology and Business Process Management Enterprises o IT-BPM.

Ngayong araw kasi, September 12 ay mapapaso na ang resolution kaugnay rito.

Kaya naman ayon kay Diokno, dapat lamang na mapalawig muna ito hangga’t hindi naisasapinal ang resolusyon na tutugon sa isyung ito.


Sa ngayon kasi ay nasa 70% on site at 30% WFH arrangement ang set-up pero may nauna nang utos ang FIRB na ibalik na ang 100% na onsite set-up para sa IT-BPM dahil wala naman nang lockdown at balik na rin ang 100% capacity sa mga lugar ng trabaho bukod pa sa may nakapaloob na usapin sa bayarin sa buwis ang sistemang ito.

Pero, humirit ang Philippine Economic Zone Authority o PEZA na palawigan ang WFH set-up.

Sinabi ni Usec. Antonette Tionko, ang usapin ng hiling na extension ng WFH set-up ay kasali sa agenda items ng susunod na pulong ng FIRB sa September 15.

Aniya, nakikinig naman sila sa stakeholders at tinitingnan ang WFH arrangement bilang ito na ang bagong business model ng karamihan ngayon sa mga rehistradong Negosyo.

Kaya naman ang pagtalakay sa usaping ito ay kailangan aniyang matugunan ng permanenteng aksyon mula sa inter- agency body.

Facebook Comments