Naka-code white alert na ang Department of Health (DOH) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng typhoon Ompong.
Sa interview ng RMN DZXL Manila tiniyak ni DOH Secretary Francisco Duque III na handang-handa na ang mga tauhan ng ahensya para tugunan ang mga residenteng maaapektuhan ng bagyo lalo na sa mga evacuation center.
Aniya, target ng DOH na mapigilan ang pagkakaroon ng outbreak ng mga sakit gaya ng leptospirosis, typhoid, cholera at dengue na siyang usong mga sakit lalo na kapag tag-ulan.
Pinaigting din ng DOH ang operation center nito, 24/7, para sa paged-deploy ng mga tauhan sa mga ospital at DOH regional offices.
Bukod sa 19-million pesos na halaga ng mga gamot na naka-preposition na sa mga ospital, handa na rin aniya ang karagdagan pang 42-million pesos na pondo sakaling kailanganin.
Samantala, ayon kay Duque, posibleng mamaya ay itaas na nila sa code blue alert ang DOH.