Sumulat ang World Health Organization (WHO) sa iba’t ibang bansa para sila ay hikayating sumali sa global shared vaccine program.
Ayon kay WHO Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus, kapag walang isasagawang sabay-sabay na pagpapabakuna sa high-risk populations, magiging imposible ang pagbangon ng pandaigdigang ekonomiya.
Aniya, 20% ng bawat populasyon ng isang bansa ay mayroong malaking exposure sa virus kabilang ang mga frontline health worker, mga adult na nasa higit 65 taong gulang pataas at mga mayroong pre-existing conditions.
Iginiit ng WHO official na ang mga dapat maunang mabigyan ng bakuna ay ang mga individwal na madalas na-e-expose sa virus.
Mahalagang maprotektahan ang high risk populations.
Kaugnay nito, nagkakarera ang mga researcher at pharmaceutical giants sa paggawa ng bakuna, kung saan siyam mula sa 29 na candidate vaccines ay sinusubok sa tao sa ilalim ng COVAX Global Vaccines Facility.
Sa ngayon, nasa 92 bansa ang sumali sa COVAX na layong makahanap ng epektibong bakuna laban sa COVID-19.
Nais ng WHO na pagtibayin ng mga bansa ang kanilang interes sa programa sa August 31.