WHO, inaprubahan para sa emergency use ang Sinopharm vaccine

Inaprubahan na ng World Health Organization (WHO) para sa emergency use ang Sinopharm COVID-19 vaccines.

Ang Sinopharm ang unang Chinese vaccine na nabigyan ng go signal mula sa WHO.

Ayon kay WHO Chief Tedros Adhamon Ghebreyesus, ang Sinopharm ang ika-anim na bakunang nakatanggap ng validation ng WHO para sa safety, efficacy at quality.


Nasuri na rin ng Strategic Advisory Group of Experts on Immunization (SAGE) ang mga available data, at inirekomenda ang bakuna sa edad 18-anyos pataas.

Sa ilalim ng emergency use listing, mapapabilis ang pag-apruba at pag-angkat ng mga bakuna lalo na sa mga bansang walang international-standard regulator.

Hinimok ng WHO ang Sinopharm na sumali sa COVAX Facility dahil ang AstraZeneca at Pfizer pa lamang ang lumalahok dito.

Inaasahang mapagdedesisyunan na ng WHO sa mga susunod na araw ang Sinovac vaccine pero humihingi pa ang mga eksperto ng karagdagang impormasyon bago sila magbaba ng rekomendasyon.

Una nang nabigyan ng emergency use listing sa mga bakunang gawa ng Pfizer-BioNTech, Moderna, Johnson and Johnson, at AstraZeneca vaccines.

Facebook Comments