May apat na bakuna nang pinagpipilian ang World Health Organization (WHO) na gagamitin para sa isasagawang COVID-19 vaccine solidarity trial sa Pilipinas.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOST-Philippine Council For Health Research and Development (PCHRD) Executive Director Dr. Jaime Montoya na naipadala na ng WHO ang mga dokumentong pag-aaralan ng mga researcher.
Aniya, bahagi ito ng protocol para matukoy kung saan maaaring gawin ang trial.
Umaasa naman ang DOST na agad masisimulan ang trial oras na mapili na ang gagamiting bakuna.
“Mapipinal na po ito by early next week po at sana po ay nagsimula na kaagad-agad. Dahil ang kanilang sabi, maaaring masimulan na ito the moment na maaprubahan na ito ng FDA,” ani Montoya.
“Siguro po, para lang tayo e sigurado, hindi ko muna sasabihin kung ano yung apat na yun,” dagdag niya.
Nabatid na gagawin ang trial sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Samantala, nilinaw ni Montoya na nasa P1,500 lamang ang matatanggap na kompensasyon ng mga lalahok sa trial.
“Ito po ay sapat lang para masagot yung kanilang maaaring gastusin para sa paglahok sa trial pero hindi po ito napakataas para sila e maengganyo na sumama nang hindi na nag-iisip at sumali lang dahil doon sa makukuha nila,” saad niya.
Pero tiniyak niya na sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gastos sakaling makaranas sila ng adverse effect.
“Basta po may mangyari na side effects, kahit wala po itong kinalaman sa bakuna, agad-agad pong titingnan, ima-manage po ang ating mga kalahok. Kung ito po ay napatunayan na ito ay dahil sa bakuna po ay bibigyan sila ng karampatang tulong.”