Nagbabala ang World Health Organization (WHO) ng posibleng pagsipa muli ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas lalo na pagkatapos ng halalan sa Mayo.
Ayon sa kinatawan ng WHO sa bansa na si Dr. Rajendra Yadav, dapat na ugaliin ng lahat na magsuot ng face mask at magpa-booster para mapaghandaan ang posibleng COVID-19 surge.
Maliban kasi sa mga aktibidad na may kinalaman sa eleksyon, maaari ring maging superspreader event ang paggunita ng mga Pilipino sa Ramadan at Semana Santa.
Matatandaang una na ring nagbabala ang OCTA Research Group na maaaring makapagtala ng 4,000 bagong kaso ng COVID-19 sa mismong araw ng halalan.
Samantala, inirekomenda rin ni Yadav na pabilisin ang pagbabakuna sa bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng house-to-house vaccination lalo na sa mga hindi pa natuturukan maski isang bakuna.
Pinaalalahanan din niya ang mga local chief executive na mababa pa sa 70% ang vaccination coverage na magpatupad ng all-out effort para malampasan ang 70% na target para sa primary series at booster shots.
Hanggang noong Marso 30, nasa higit 65.8 milyong indibidwal pa lamang ang nakakakumpleto sa bakuna habang higit 12 milyon ang nakapagpa-booster na.