Nagbabala ang World Health Organization na posibleng lumala pa ang Coronavirus Disease 2019 pandemic lalo na’t halos umabot na sa 13-milyon ang kaso ng virus sa buong mundo.
Ayon sa WHO, malaki ang tyansa na lumala pa ang sitwasyon ng pandemya kung patuloy ang maraming bansa sa pagtahak sa maling direksyon sa pagtugon sa COVID-19.
Giit ng WHO, maraming bansa ang hindi sumusunod sa mga ipinatutupad na basic healthcare precautions para maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit.
Pinangangambahan ng WHO na mas marami pang sektor ang lubos na naapektuhan ng pandemya at nanganganib na lumawak pa ang epekto nito kung hindi ito matutugunan ng wasto.
Sa ngayon ay pumalo na sa 13,235,760 ang global cases ng COVID-19 kung saan 575,525 ang naitalang nasawi habang nasa 7,696,381 ang naka-recover.