Posibleng sumipa muli ang kaso ng COVID-19 sa oras na luwagan na ang quarantine restrictions sa bansa.
Ito ang naging babala ni World Health Organization Country Representative Rabindra Abeyasinghe kasunod ng rekomendasyon ng ilang opisyal na ilagay na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila sa buwan ng Marso.
Ayon kay Abeyasinghe, hindi ito ang tamang panahon para luwagan ang quarantine restrictions lalo na’t may mga umuusbong na bagong variant ng COVID-19 at ang pagkaantala sa paggulong ng vaccination program sa bansa.
Dahil dito, posible aniyang hindi kayanin ng kasalukuyang health care system ng bansa ang muling pagdami ng mga pasyente.
Iginiit ni Abayasinghe na dapat hindi makokompromiso ang public health risk sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.
Samantala, inihayag ng OCTA Reasearch team na posibleng pumalo sa 2,400 na kaso ng COVID-19 ang maitala kada araw sa oras na sumailalim na ang Metro Manila sa MGCQ.
Kasabay nito, inirekomenda rin ng grupo na huwag na munang luwagan ang age restriction ng mga bata at hintayin na lamang ang paggulong ng COVID-19 vaccination program.