WHO, nakikipag-ugnayan na sa Russia hinggil sa bagong COVID-19 vaccine

Nakikipag-ugnayan na ang World Health Organization (WHO) sa Russian Health authorities para sa bagong COVID-19 vaccine.

Nabatid na inanunsyo ni Russian President Vladimir Putin na ang kanilang bansa ang kauna-unahang nabigyan ng regulatory approval para sa COVID-19 vaccine matapos ang halos dalawang buwang clinical trials.

Ang Sputnik V vaccine ay dinevelop ng Gamaleya Research Institute.


Ayon kay WHO Spokesperson Tarik Jasarevic, nagkakaroon na ng diskusyon hinggil sa posibleng prequalification process ng bakuna.

Sa ilalim nito, sasailalim ang bakuna sa masusing review at assessment sa bisa at ligtas na paggamit nito.

Batid ni Jasarevic na bawat bansa ay may sariling national regulatory agencies na nag-aapruba sa paggamit ng bakuna o gamot sa kanilang teritoryo.

Kailangan ng mga manufacturer na humingi ng pre-qualification mula sa WHO dahil maituturing itong pagtatak sa kalidad ng gamot o bakuna.

Nasa 165 candidate vaccines sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang sumasailalim sa clinical evaluation.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na boluntaryo siyang magpapabakuna para patunayang ligtas at epektibo ang bakuna ng Russia.

Facebook Comments