Nagbabala ngayon ang World Health Organization (WHO) sa mga bansa sa buong mundo na mas paigtingin pa ang pagbabakuna kontra COVID-19 partikular sa vulnerable sector.
Kasunod na rin ito ng nagaganap na surge kung saan nagiging episentro na ng COVID-19 ang Europe.
Ayon kay WHO Chief Tedros Adhanom Ghebreyesus, bukod sa pagpapabilis ng pagbabakuna, dapat aniyang iprayoridad kung sino ang mas nangangailangan ng bakuna.
Pagdidiin ni Ghebreyesus, ang usapin ngayon ay hindi lamang sa dami ng indibidwal na nababakunahan kundi sino ang dapat na mas iprayoridad.
Hindi pabor ang WHO chief na bigyang ng booster shot ang mga malulusog na indibidwal, gayong maraming health workers, matatanda at iba pang high-risk groups sa buong mundo ang wala pang ni-isang first dose ng COVID-19 vaccine.
Batay sa datos ng United Nation Health Agency, mabilis ang pagkalat ng COVID-19 sa Europe kung saan pumalo sa dalawang milyon ang naitalang kaso ng virus doon sa loob lamang ng isang linggo.