WHO solidarity trial sa bansa para sa mga bakuna laban sa COVID-19, nagsimula na

Pormal ng nagsimula ang World Health Organization (WHO) solidarity trial para sa COVID-19 vaccines sa bansa.

Ito ay matapos lagdaan nina Department of Health Secretary Francisco Duque III at WHO Chief Scientist Dr. Soumya Swaminathan ang letter of agreement para dito.

Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Rowena Guevara, sa ilalim ng solidarity trial ay inaasahan na makadidiskubre ang pinaka-epektibong bakuna laban sa COVID-19 na naaayon sa pangangailangan ng mga Pilipino.


Aniya, ang bakunang ito ay inaasahang may epektibong bilang ng doses, may nilalaang panahon ng proteksyon, madaling iturok at madaling gawin sa bansa.

Sa ngayon, nakakapagbigay na ang WHO solidarity trial team sa Food and Drug Administration (FDA) at Vaccine Expert Panel (VEP) ng final clinical trial protocol, standard operating procedures, at apat na investigational brochure ng bakuna na aaralin para sa evaluation, ethics at regulatory review.

Gayunman, tumanggi si Guevarra na ihayag kung anong bakuna ang gagamitin sa solidarity trial hangga’t wala pang pag-apruba ng FDA.

Facebook Comments