Mag-uumpisa na sa katapusan ng Oktubre ang clinical trials para sa candidate vaccines laban sa COVID-19 sa Pilipinas na pangungunahan ng World Health Organization (WHO).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, inabisuhan na ng WHO ang sub-Technical Working Group on Vaccine Development hinggil sa timeline ng global initiative.
Sinabi ni Vergeire na sisimulan sa ikatlo o ika-apat na linggo ng Setyembre ang pagtukoy ng WHO sa mga candidate vaccine na isasama sa solidarity trial.
Aniya, nasa 34 na bakuna ang pinagpipilian ng WHO.
Sa katapusan ng buwan, maghahanap ang WHO team ng mga lugar kung saan isasagawa ang trials.
Makikipag-ugnayan ang WHO sa local government officials at iba pang stakeholders para sa pagsisimula ng trial.
Pero iginiit ng DOH na maaaring magbago ang timeline depende sa magiging sitwasyon.